Wednesday, September 6, 2017

Tapos na (nga ba) ang Eleksyon (?)!


Tapos na ang eleksyon.  Panalo na si Meyor.
Hindi na dapat pinag-uusapan ngayon kung sino ang minanok natin noong Mayo 9, dahil sa katanghaliang tapat ng Hunyo 30, Presidente na si Meyor.  Tungkulin nating igalang siya at suportahan bilang halal na pinuno ng pamahalaang inatasan ng Saligang Batas na kumatawan sa mga mithiin ng sambayanang Pilipino.
Bilang paggalang, nangangako akong hindi ko siya tatawagin sa anumang kaparaanang lalapastangan sa kanya o sa tanggapang kanyang kinakatawan.  Hindi ko tutularan ang napakarami niyang mga tagahangang lumapastangan sa Presidenteng hahalilihan niya – silang mga nanggagalaiti sa sinumang nagbabansag kay Meyor mg kung anu-anong pangalan habang walang habas na binabatikos si “Abnoy” o si  “Panot”.  (Napakanormal siguro nila o napakahaba ng kanilang buhok?)
Bilang pagsuporta, nangangako akong titimbangin ko ang bawat pahayag ni Meyor gamit ang bukas at malawak na pang-unawa.  Bilang pagsuporta, sasang-ayunan ko ang tama at pupunahin ang sa tingin ko ay taliwas sa inaasahan ng sambayanan.  Ang pagsuporta ay hindi lamang nangangahulugan ng pagsang-ayon.  Ang pagpuna sa magalang na paraan ay isa ring anyo ng pagsuporta.  Hindi lamang karapatan ang pagpuna.  Bagkus, tungkulin din ito ng bawat Pilipinong naghahangad na maiangat ang antas ng pamamahala sa kanyang bayan.
Tapos na ang eleksyon.  Panalo na rin si Aling Leni.
Pero, bakit hindi pa rin matanggap ng mga nagsulong ng tambalang Duterte-Marcos ang pagkatalo ni Bongbong?
Dinaya raw si Bongbong sa Quezon.  Dagdag-bawas.  Ang ebidensya?  Ewan natin.
Kahit tapos na ang kampanya at naiproklama na si Aling Leni, patuloy pa rin ang  pagpapakalat ng mga kasinungalingan laban sa halal na Bise Presidente, na ngayon ay tinatawag nilang “Lugaw Queen”.
Isang paraan para maisakatuparaan ang paninira nila kay Aling Leni –
Ipinagtanggol daw ni Aling Leni ang malaswang pagsasayaw ng ilang mga kababaihan sa isang pulong ng Liberal Party sa Sta. Cruz, Laguna, kung saan umani ng batikos ang dating MMDA Chairman Francis Tolentino.

Leni1
Hindi naman po yan malaswa.  Pumayag naman silang sumayaw. 
‘Yan daw ang sabi ni Aling Leni.
Pero, ang totoo, ganito ang pahayag ni Aling Leni tungkol sa usaping ‘yan:
Matatandaang bunga ng alingasngas na ‘yan, tinanggal si Atty. Francis Tolentino sa talaan ng mga kandidato sa pagkasenador ng Liberal Party.
Tumakbo pa rin si Tolentino bilang independent candidate.  Pero, sino naman kaya ang sumalo at nagtaguyod sa kandidatura ng umano ay nagpasimuno sa malaswang pagtatanghal na ‘yun?
Dutertolentino
Sino ang nasa kanan ni Atty. Francis Tolentino?
Kadalasan, ang batong ipinupukol, sa sariling ulo tumatama.  Nagkakabukul-bukol tuloy.

No comments:

Post a Comment