Saturday, September 9, 2017

B'yaheng Baclaran

Sa plasa ng Indang, tapat ng himpilan
ng mga pulis na nangaghuhuntahan
ay sumakay ako sa isang sasakyang
iilan ang lulan, lahat nakaabang-
Kailan ang patak ng alas-punuan?
May sasakay pa bang papuntang Baclaran?

May mamang sumakay sa gawing likuran.
May magkasintahang diretsong harapan.
Ang kunduktor naman, sa tsuper bumulong-
“Tatlong sakay na lang, p’wede nang lumusong.”
Sa loob loob ko ay mabuti naman,
aandar na kami papuntang Baclaran
May aleng pagsakay, agad inihain
ang alok na tamis sa lakong kakanin.
May bata rin namang panay ang kalabit,
balita ang alok sa d’yaryo n’yang bitbit.
Ako naman itong nagtulug-tulugan-
ayaw maabala bago mag-Baclaran.
Kaya’t sa pag-idlip, dito ko inasang
ang bagot, ang pagod ay maging ginhawang
makakasuno ko hanggang sa pumara
sa tabi, sa gitna, sa dulong kalsada,
malayo, malapit, tapat ng simbahan-
Basta ba’t pihadong sakop ng Baclaran.
Ano ba’t sa babaw ng pagkakaidlip,
may ale na namang sadyang nagpipilit
na gisinging lahat ng nagsisiidlip-
Dapat daw pakinggan ang bawat niyang sambit.
Sa loob loob ko’y h’wag panghimasukan
Ang bilis ng andar papuntang Baclaran.
Aba’y namudmod pa ang aleng masungit
ng sobre’t kalatas na nagpaparunggit-
Sa lupa ang buhay ay sasaglit lang daw
at lahat ng tao’y sadya ring papanaw.
Kahit konting kwarta, amin daw lakipan
ang sobre’t aayos ang b’yaheng Baclaran.
May aleng ang alok ay busog at tamis.
May bata din namang balita’y kalakal.
Ang aleng ‘to naman na nagmamalinis
ibig pa yata n’yang gawin kaming banal?
Ihahatid n’ya raw hanggang kalangitan
kaming gusto lang ay magpuntang Baclaran.

No comments:

Post a Comment