Wednesday, September 13, 2017

Sa Dakong Hindi Ko Pa Nalalakbay

Pagsasatagalog ng tulang Somewhere I Have Never Travelled ni E. E. Cummings
sa dakong hindi ko pa nalalakbay, may galak, sa kabila
ng anumang karanasan, may angking katahimikan ang iyong mga mata:
sa iyong pinakabahagyang paramdam, naroon ang mga bagay na kumukupkop sa akin,
o hindi ko masaling dahil napakalapit nila.
ang pahapyaw mong sulyap ay madaling magpapalaya sa akin
kahit pa ipinid ko ang sariling gaya ng mga daliri,
lalagi mo akong pinamumukadkad ng talulot sa talulot, gaya ng pamumukadkad ng Tagsibol
(sa pagdamping maparaan, mahiwaga) sa una niyang rosas.
o kung ang hiling mo’y ipinid ako, ako at
ang buhay ko ay magpipinid ng buong kagandahan, daglian,
tulad sa panginginita ng puso ng bulaklak na ito sa niyebeng
maingat na nananaog sa lahat ng dako.
walang masasaksihan sa mundong ito ang papantay
sa kapangyarihan ng sukdol mong kahinaan: ang kakinisan mong
nag-uudyok sa akin ng makulay niyang mga parang,
naglalarawan ng kamatayan at kawalang-hanggan sa bawat paghinga.
(hindi ko batid kung alin sa iyo ang nagpipinid
at nagbubukas; taglay ko lamang ang saloobing nakauunawa,
ang tinig ng iyong mga mata ay higit pang malagom sa lahat ng rosas)
walang sinuman, kahit pa ang ulan, ang may ‘sing munting mga kamay.

No comments:

Post a Comment