Wednesday, September 6, 2017

Batalan


Ano ba ang batalan?

Ako mismo, hindi sigurado kung ano nga ang batalan, e. Pero sariwa pa sa alaala ko ang batalan doon sa lumang kubo ng mga nuno ko sa Cavite.

Sa batalan kami madalas naliligo ng mga pinsan ko. Isang pintong kawayan lang ang pumapagitan sa batalan at kusina. Maaaring sabihing ang batalan ay isang silid paliguan. Pero walang dingding ang batalan namin noon. May bubong na pawid, kawayan ang sahig at ang hagdan. Dalawang tapayang puno ng tubig panligo o panghugas ng paa ang laging nakabantay sa isang sulok. Dalawa rin ang tuyong bao ng niyog na nakasabit sa siit na katabi ng mga tapayan- ang mga ito ang pangadlo ng tubig.

Kung nagutom kami sa kalalaro, sa batalan kami dumadaan papasok ng kubo- tuloy kaagad sa kusina. Sa batalan din kami dumadaan kapag umiiwas kaming mapansin ng mga matatanda sa tuwing aabutin kami ng takipsilim sa laruan.

Ang mga huntahang palihim tungkol sa mga usaping mapanganib, kadalasan ay sa batalan din nagaganap.

Kita na sa batalan. Kita nang maghuntahan. Sssssshhhhhh.....

No comments:

Post a Comment