Monday, September 11, 2017

Huwag na sanang lamunin pa ang aming sinuka!

Parito ka anak, dito sa kusina.
Pakinggang mabuti ang aking salita.
H’wag isiping lahat ng handa sa hapag
ay mayro’ng linamnam at lakip na habag.

Itong inihaing ulam na masangsang
ng kusinerong bago’t mukhang mapanlinlang,
amuyin mo muna’t h’wag karakarakang
isubo’t lunukin, purihi’t igalang.

Baliw ang naghai’t naglagay sa pinggan
ng ulam kahapong ‘di ko natagalan,
at nang maghimagsik ang t’yan kong kumalam
saka ko nalasap ang muhi’t ang suklam.

Kusinerong baliw ang nais manlinlang
sa iyo, anak kong akala n’ya’y mangmang.
Sukat pilitin kang ang aking sinuka
ay tanggaping muli ng iyong bituka?

Tandaan mo sanang ang nagdaang hapdi,
Ang dugo’t ang sugat ng pusong nasawi
ang mga panimplang sadyang isinangkap
sa putaheng hain sa pinggang kaharap.

Kaming mga unang kumain sa hapag,
nagsuka’t nanlambot sa handang nilatag.
Bakit ngayon, anak, balak mo pang tila
lamunin na naman ang aming sinuka?


#MarcosSINtennial

No comments:

Post a Comment