Saturday, September 9, 2017

Ang Magpapapag

Kapirasong tabla’t ‘sang dakot na pako,
Isang tabong pawis, ‘sang araw ng hapo,
Sa sipag, sa t’yaga, kapag inihalo,
Tulugang papag ang aking nabuo.
Daang kilometro, libulibong hakbang,
Sa bukid, sa parang, hanggang kabihasnan;
Ang pasan kong papag, kalakal sa buhay,
Napalitan naman ng bigas at gulay.
At nang binalik ko ang dampa kong bahay,
Ang bigas, sinaing, ginisa ang gulay.
Sa lunok binusog, sa lagok nilunod
Ang hain ng mundong gutom at pagod.
Naglayag ang buwan sa gitna ng langit,
Diwa’y naglayag din sa laot ng isip;
Kalakal na papag, nang ilakong pilit,
Ano’t ako ngayon, sa banig iidlip?
Ang likhang kalakal- bukal ng pangarap,
Pahinga ang dulot sa sapat magbayad.
Ako namang sa papag lumikha’t naglako,
Sa pahinga, kulang; sa pangarap, bigo!

No comments:

Post a Comment