Wednesday, September 6, 2017

Sa Darating na Eleksyon, kay Meyor (nga ba) Tayo!(?)


Wala naman sigurong isyu kung manalo man si Meyor sa pagkapresidente. Malay natin, baka nga tama ang mga nagtutulak ng kandidatura niya na kapag nanalo si Meyor, masusugpo talaga ang mga adik at tulak, malilipol ang mga kriminal at titino ang mga pulis. Sana nga, mangyari lahat ‘yan.
Mahihirapan nga lang siguro akong ipaliwanag ang mga bagay-bagay sa bunso kong anak.
Heto ang isang halimbawang pag-uusap sa pagitan ng isang Tatay at ng kanyang bunso, na posibleng mangyari sakaling manalo nga si Meyor:

Bunso :
‘Tay, bigyan mo nga ako ng five hundred.
Tatay:
Aanhin mo naman ang five hundred?
Bunso:
‘Yung putang inang teacher namin sa Character, pinababayaran sa ‘kin yung silyang nasira ko, e.
Tatay:
Bakit mo sinira yung silya?
Bunso:
Inihampas ko dun sa putang inang kaklase ko. May nagsabi kasi sa aking ‘yun daw ang nagnakaw ng baon kong sandwich, e.
Tatay:
Hindi mo dapat ginawa ‘yun. Malay mo, baka naman hindi talaga siya. O, baka naman nagugutom talaga siya, walang makain at nahihiyang magsabi sa ‘yo.
Bunso:
Pero, putang ina! Mali pa rin ‘yun!
Tatay:
Bakit ba napakalutong mo magmura? Kabata-bata mo pa, a. At, sino namang nagsabi sa ‘yong p’wede kang manakit ng kaklase mo, eh hindi ka pa nga siguradong siya ang kumuha ng baon mo? Hindi mo na lang isinumbong sa teacher mo?
Bunso:
Eh, putang ina, ginagaya ko lang si Meyor, anong masama ‘dun?  Si Meyor nga, pag nagkamali, patay agad, e.  Para hinampas ko lang ng silya.  Magaling ‘yang si Meyor.   ‘Di ba, idol natin siya? Binoto pa nga ninyo ni Nanay ang putang inang Meyor na ‘yan eh. Tingnan n’yo. Presidente na ang hayop na ‘yan. Idol ko rin ‘yan, e.

Kadalasan, mas madaling sagutin ang mga tanong ng mga kaedad natin. Pero kapag ang mga anak na nating musmos ang nagtanong, medyo mahirap na – lalo na kung sa atin din nila ibabalik ang mga sagot natin.
Iginagalang ko ang opinyon at pasya ng mga kaibigan nating nagsusulong ng #Duterte2016, pero bago ako tuluyang umanib sa inyo, iisipin ko munang mabuti kung ano ang isasagot ko sa bunso ko sakaling tanungin niya ako kung bakit “idol” ko si Meyor.

No comments:

Post a Comment