Friday, September 22, 2017

Galawang Diktador

Ang tulang ito ay mula sa panulat ng isang makatang, kahit dadalawampu't isang tag-araw pa lang ang inilalagi sa mundo (at lilimang tag-araw lang nito ang ginugol sa gitna ng masalimuot na kalakaran ng buhay sa Pilipinas) ay kinakitaan na ng malawakang pagkamulat sa nakaraan at kasalukuyan ng sambayanang kinabibilangan niya.

Isang malaking karangalan sa isang tulad kong "guro" ang masaksihang ganap na natutunan ng aking "estudyante" ang mga aral ng kasaysayang ibinahagi ko.  

Higit na malaking karangalan sa isang tulad kong ama ang basahin ang mga tulang gaya nito - napapanahon, buo ang tapang at puno ng malasakit sa bayang kapwa namin minamahal - na mula sa panulat ng kapwa ko "makata"... mula sa diwa't puso ng sarili kong anak:


Dahan-dahang nawala ang
Ingay sa kabila.
Ginalugad ang madla.
Oras-oras pang sinasadya.
Nang may napaangal,
Ginantimpalaan ng banta

Upang ‘di raw mapabagal
Lakad paabante ng bansa.
Oligarkiya’y pabagsakin! -
Lagi niyang diin.        

Kahit mismong mga Marcos
Ayos lang kung pagbigyan.

!

Saturday, September 16, 2017

Beware

Ladies,
weep now,
for tomorrow,
you will never have
the luxury of tears.
Do not resist,
for, if you do,
you may never see
the brilliance 
of the daytime skies.

Beware.
Caligula is alive!

Men,
weep now,
for tomorrow,
you will never have
the honor to grieve.
Do not resist,
for, if you do,
you may never see
the beauty 
of the nighttime stars.

Beware.
Nero is back!

Oh,
but we are not
in Rome!

Wednesday, September 13, 2017

Sa Dakong Hindi Ko Pa Nalalakbay

Pagsasatagalog ng tulang Somewhere I Have Never Travelled ni E. E. Cummings
sa dakong hindi ko pa nalalakbay, may galak, sa kabila
ng anumang karanasan, may angking katahimikan ang iyong mga mata:
sa iyong pinakabahagyang paramdam, naroon ang mga bagay na kumukupkop sa akin,
o hindi ko masaling dahil napakalapit nila.
ang pahapyaw mong sulyap ay madaling magpapalaya sa akin
kahit pa ipinid ko ang sariling gaya ng mga daliri,
lalagi mo akong pinamumukadkad ng talulot sa talulot, gaya ng pamumukadkad ng Tagsibol
(sa pagdamping maparaan, mahiwaga) sa una niyang rosas.
o kung ang hiling mo’y ipinid ako, ako at
ang buhay ko ay magpipinid ng buong kagandahan, daglian,
tulad sa panginginita ng puso ng bulaklak na ito sa niyebeng
maingat na nananaog sa lahat ng dako.
walang masasaksihan sa mundong ito ang papantay
sa kapangyarihan ng sukdol mong kahinaan: ang kakinisan mong
nag-uudyok sa akin ng makulay niyang mga parang,
naglalarawan ng kamatayan at kawalang-hanggan sa bawat paghinga.
(hindi ko batid kung alin sa iyo ang nagpipinid
at nagbubukas; taglay ko lamang ang saloobing nakauunawa,
ang tinig ng iyong mga mata ay higit pang malagom sa lahat ng rosas)
walang sinuman, kahit pa ang ulan, ang may ‘sing munting mga kamay.

Tuesday, September 12, 2017

BaliTula (Balitang Patula)

Kaninang umaga, baha sa Maynila.
Ang ulan, bakit ba ayaw pang tumila?
Sa MalacaƱang daw, parang ginigiba
lahat ng kokontra sa utos ng sira.
Sa Quezon City man,  gano’n din ang buhos
ng bagyong balak din ay makibatikos.
Ano’t sino nga ba ang matutuwa pa
na sa Batasan Hills, maraming buwaya?

Ang Lelang Josefa, si Lolo Vicente,
kasamang nagselfie ang Apo kong Jose
sa harap ng papel na ngayon ay perang
kinamkam ng mga buwayang  nags’wapang.
Aba’y paano ngang aandar ang barko
kung ayaw tustusan itong human rights ko?

sumasabay kasi sa mundong magulo.
Maraming nainis na mga DDS,
sa sabong ni Mocha kontra kay Trillanes.
Si Ate Mocha ngang sikat sa lalaki-
ang dibdib at ulo ay magkasinglaki;
Si Trillanes namang gustong magFlush Gordon,
ang nasumpungan pang batuhin ng hamon.

Bahagyang humupa ang yamot ng bagyo
sa paglipat-petsa nitong kalendaryo.
Ang mamang kanina ay nasa Palasyo,
nagpunta sa Taguig, ewan kung seryoso. 
dilawan daw kasi kung bumanat ito.

Langit mang may habag, may karapatan ding
lumuha’t mag-alsa sa nangangyayaring
tuwid na baluktot, halakhak at daing
sa panahong itong wala yatang gising!


Monday, September 11, 2017

Huwag na sanang lamunin pa ang aming sinuka!

Parito ka anak, dito sa kusina.
Pakinggang mabuti ang aking salita.
H’wag isiping lahat ng handa sa hapag
ay mayro’ng linamnam at lakip na habag.

Itong inihaing ulam na masangsang
ng kusinerong bago’t mukhang mapanlinlang,
amuyin mo muna’t h’wag karakarakang
isubo’t lunukin, purihi’t igalang.

Baliw ang naghai’t naglagay sa pinggan
ng ulam kahapong ‘di ko natagalan,
at nang maghimagsik ang t’yan kong kumalam
saka ko nalasap ang muhi’t ang suklam.

Kusinerong baliw ang nais manlinlang
sa iyo, anak kong akala n’ya’y mangmang.
Sukat pilitin kang ang aking sinuka
ay tanggaping muli ng iyong bituka?

Tandaan mo sanang ang nagdaang hapdi,
Ang dugo’t ang sugat ng pusong nasawi
ang mga panimplang sadyang isinangkap
sa putaheng hain sa pinggang kaharap.

Kaming mga unang kumain sa hapag,
nagsuka’t nanlambot sa handang nilatag.
Bakit ngayon, anak, balak mo pang tila
lamunin na naman ang aming sinuka?


#MarcosSINtennial

Saturday, September 9, 2017

Jolly Roger


Tengco: Muling Pagdalaw

Hindi lamang pangarap
ang nilayon ng sikap.
Ang saliw ng halakhak,
nilamon din ng alak.
Pati uhog ng paslit,
pamusta rin sa tong-it,
maging kuto sa ulo-
sasapat nang panalo.
Madilim ang umaga
sa harap ng tarangka.
Malalim ang hininga
sa sawsawan ng mangga.
Sa aming kinagisnang
gubat sa kabihasnan,
‘sing ikli ng kalsada
ang takbo ng pasensya.
Sa kinagisnan naming
‘sang sulok na madilim,
‘sing kipot ng tanawin
ang lakad ng isipin.
Isang dipa ang agwat
ng utak sa ulirat.
‘Sang dangkal ang panalat
sa buhay na nilagnat
Doon nga po sa amin
ang aso, walang ngipin,
walang kuko ang pusa,
may kwintas pati daga.
Doon din po sa amin
bawat gabing magsiping,
ang supling ay umagang
maghapon kung igapang

Twitterverse

A lady’s angelic face with eyes fixed at a bouquet of crimson roses.
How can beauty be painted in
a hundred and forty characters or less?
A poet’s rhymes whose reasons never share the flow of dreams.
How can madness be captured in
a hundred and forty characters or less?
A toddler giggles as he blows a single candle on his cake.
How can happiness be shared in
a hundred and forty characters or less?
A widow struggles as she fights the flow of bitter tears.
How can grief be kept in
a hundred and forty characters or less?
A summer morning’s sun peeping through the clouds.
How can light filter through
a hundred and forty characters or less?
A winter evening’s moonless sky.
How can darkness cover
a hundred and forty characters or less?
Hashtags true, and hashtags false. Hashtags here and hashtags there.
You’re up, you’re down. But hey, you’re trending through
a hundred and forty characters or less!

Ang Magpapapag

Kapirasong tabla’t ‘sang dakot na pako,
Isang tabong pawis, ‘sang araw ng hapo,
Sa sipag, sa t’yaga, kapag inihalo,
Tulugang papag ang aking nabuo.
Daang kilometro, libulibong hakbang,
Sa bukid, sa parang, hanggang kabihasnan;
Ang pasan kong papag, kalakal sa buhay,
Napalitan naman ng bigas at gulay.
At nang binalik ko ang dampa kong bahay,
Ang bigas, sinaing, ginisa ang gulay.
Sa lunok binusog, sa lagok nilunod
Ang hain ng mundong gutom at pagod.
Naglayag ang buwan sa gitna ng langit,
Diwa’y naglayag din sa laot ng isip;
Kalakal na papag, nang ilakong pilit,
Ano’t ako ngayon, sa banig iidlip?
Ang likhang kalakal- bukal ng pangarap,
Pahinga ang dulot sa sapat magbayad.
Ako namang sa papag lumikha’t naglako,
Sa pahinga, kulang; sa pangarap, bigo!

CyberCoffee


B'yaheng Baclaran

Sa plasa ng Indang, tapat ng himpilan
ng mga pulis na nangaghuhuntahan
ay sumakay ako sa isang sasakyang
iilan ang lulan, lahat nakaabang-
Kailan ang patak ng alas-punuan?
May sasakay pa bang papuntang Baclaran?

May mamang sumakay sa gawing likuran.
May magkasintahang diretsong harapan.
Ang kunduktor naman, sa tsuper bumulong-
“Tatlong sakay na lang, p’wede nang lumusong.”
Sa loob loob ko ay mabuti naman,
aandar na kami papuntang Baclaran
May aleng pagsakay, agad inihain
ang alok na tamis sa lakong kakanin.
May bata rin namang panay ang kalabit,
balita ang alok sa d’yaryo n’yang bitbit.
Ako naman itong nagtulug-tulugan-
ayaw maabala bago mag-Baclaran.
Kaya’t sa pag-idlip, dito ko inasang
ang bagot, ang pagod ay maging ginhawang
makakasuno ko hanggang sa pumara
sa tabi, sa gitna, sa dulong kalsada,
malayo, malapit, tapat ng simbahan-
Basta ba’t pihadong sakop ng Baclaran.
Ano ba’t sa babaw ng pagkakaidlip,
may ale na namang sadyang nagpipilit
na gisinging lahat ng nagsisiidlip-
Dapat daw pakinggan ang bawat niyang sambit.
Sa loob loob ko’y h’wag panghimasukan
Ang bilis ng andar papuntang Baclaran.
Aba’y namudmod pa ang aleng masungit
ng sobre’t kalatas na nagpaparunggit-
Sa lupa ang buhay ay sasaglit lang daw
at lahat ng tao’y sadya ring papanaw.
Kahit konting kwarta, amin daw lakipan
ang sobre’t aayos ang b’yaheng Baclaran.
May aleng ang alok ay busog at tamis.
May bata din namang balita’y kalakal.
Ang aleng ‘to naman na nagmamalinis
ibig pa yata n’yang gawin kaming banal?
Ihahatid n’ya raw hanggang kalangitan
kaming gusto lang ay magpuntang Baclaran.

Thursday, September 7, 2017

Makapista

Gutom na ang paminggalan
sa bigat ng lalamunan.
Uhaw na rin ang tapayan
sa lagaslas ng tagayan.
Ang kaldero’t ang palayok-
nagtingalang parang hayok.
Ang mga mumong napispis-
nagkarera sa dalisdis.
At ako namang naiwang
kaluluwa’y inatasang
maglumangoy sa mantikang
sa kalan namin, nasayang.
At ako rin ang naiwang
magtatangis sa labangang
namulaklak ng hugasing
naghihimagsik sa dusing.
Pagkatapos ng sagana,
tapos na rin ang ligaya-
sa akin, walang natira
kundi dusa makapista.

Wednesday, September 6, 2017

Batalan


Ano ba ang batalan?

Ako mismo, hindi sigurado kung ano nga ang batalan, e. Pero sariwa pa sa alaala ko ang batalan doon sa lumang kubo ng mga nuno ko sa Cavite.

Sa batalan kami madalas naliligo ng mga pinsan ko. Isang pintong kawayan lang ang pumapagitan sa batalan at kusina. Maaaring sabihing ang batalan ay isang silid paliguan. Pero walang dingding ang batalan namin noon. May bubong na pawid, kawayan ang sahig at ang hagdan. Dalawang tapayang puno ng tubig panligo o panghugas ng paa ang laging nakabantay sa isang sulok. Dalawa rin ang tuyong bao ng niyog na nakasabit sa siit na katabi ng mga tapayan- ang mga ito ang pangadlo ng tubig.

Kung nagutom kami sa kalalaro, sa batalan kami dumadaan papasok ng kubo- tuloy kaagad sa kusina. Sa batalan din kami dumadaan kapag umiiwas kaming mapansin ng mga matatanda sa tuwing aabutin kami ng takipsilim sa laruan.

Ang mga huntahang palihim tungkol sa mga usaping mapanganib, kadalasan ay sa batalan din nagaganap.

Kita na sa batalan. Kita nang maghuntahan. Sssssshhhhhh.....

Tapos na (nga ba) ang Eleksyon (?)!


Tapos na ang eleksyon.  Panalo na si Meyor.
Hindi na dapat pinag-uusapan ngayon kung sino ang minanok natin noong Mayo 9, dahil sa katanghaliang tapat ng Hunyo 30, Presidente na si Meyor.  Tungkulin nating igalang siya at suportahan bilang halal na pinuno ng pamahalaang inatasan ng Saligang Batas na kumatawan sa mga mithiin ng sambayanang Pilipino.
Bilang paggalang, nangangako akong hindi ko siya tatawagin sa anumang kaparaanang lalapastangan sa kanya o sa tanggapang kanyang kinakatawan.  Hindi ko tutularan ang napakarami niyang mga tagahangang lumapastangan sa Presidenteng hahalilihan niya – silang mga nanggagalaiti sa sinumang nagbabansag kay Meyor mg kung anu-anong pangalan habang walang habas na binabatikos si “Abnoy” o si  “Panot”.  (Napakanormal siguro nila o napakahaba ng kanilang buhok?)
Bilang pagsuporta, nangangako akong titimbangin ko ang bawat pahayag ni Meyor gamit ang bukas at malawak na pang-unawa.  Bilang pagsuporta, sasang-ayunan ko ang tama at pupunahin ang sa tingin ko ay taliwas sa inaasahan ng sambayanan.  Ang pagsuporta ay hindi lamang nangangahulugan ng pagsang-ayon.  Ang pagpuna sa magalang na paraan ay isa ring anyo ng pagsuporta.  Hindi lamang karapatan ang pagpuna.  Bagkus, tungkulin din ito ng bawat Pilipinong naghahangad na maiangat ang antas ng pamamahala sa kanyang bayan.
Tapos na ang eleksyon.  Panalo na rin si Aling Leni.
Pero, bakit hindi pa rin matanggap ng mga nagsulong ng tambalang Duterte-Marcos ang pagkatalo ni Bongbong?
Dinaya raw si Bongbong sa Quezon.  Dagdag-bawas.  Ang ebidensya?  Ewan natin.
Kahit tapos na ang kampanya at naiproklama na si Aling Leni, patuloy pa rin ang  pagpapakalat ng mga kasinungalingan laban sa halal na Bise Presidente, na ngayon ay tinatawag nilang “Lugaw Queen”.
Isang paraan para maisakatuparaan ang paninira nila kay Aling Leni –
Ipinagtanggol daw ni Aling Leni ang malaswang pagsasayaw ng ilang mga kababaihan sa isang pulong ng Liberal Party sa Sta. Cruz, Laguna, kung saan umani ng batikos ang dating MMDA Chairman Francis Tolentino.

Leni1
Hindi naman po yan malaswa.  Pumayag naman silang sumayaw. 
‘Yan daw ang sabi ni Aling Leni.
Pero, ang totoo, ganito ang pahayag ni Aling Leni tungkol sa usaping ‘yan:
Matatandaang bunga ng alingasngas na ‘yan, tinanggal si Atty. Francis Tolentino sa talaan ng mga kandidato sa pagkasenador ng Liberal Party.
Tumakbo pa rin si Tolentino bilang independent candidate.  Pero, sino naman kaya ang sumalo at nagtaguyod sa kandidatura ng umano ay nagpasimuno sa malaswang pagtatanghal na ‘yun?
Dutertolentino
Sino ang nasa kanan ni Atty. Francis Tolentino?
Kadalasan, ang batong ipinupukol, sa sariling ulo tumatama.  Nagkakabukul-bukol tuloy.

Sa Darating na Eleksyon, kay Meyor (nga ba) Tayo!(?)


Wala naman sigurong isyu kung manalo man si Meyor sa pagkapresidente. Malay natin, baka nga tama ang mga nagtutulak ng kandidatura niya na kapag nanalo si Meyor, masusugpo talaga ang mga adik at tulak, malilipol ang mga kriminal at titino ang mga pulis. Sana nga, mangyari lahat ‘yan.
Mahihirapan nga lang siguro akong ipaliwanag ang mga bagay-bagay sa bunso kong anak.
Heto ang isang halimbawang pag-uusap sa pagitan ng isang Tatay at ng kanyang bunso, na posibleng mangyari sakaling manalo nga si Meyor:

Bunso :
‘Tay, bigyan mo nga ako ng five hundred.
Tatay:
Aanhin mo naman ang five hundred?
Bunso:
‘Yung putang inang teacher namin sa Character, pinababayaran sa ‘kin yung silyang nasira ko, e.
Tatay:
Bakit mo sinira yung silya?
Bunso:
Inihampas ko dun sa putang inang kaklase ko. May nagsabi kasi sa aking ‘yun daw ang nagnakaw ng baon kong sandwich, e.
Tatay:
Hindi mo dapat ginawa ‘yun. Malay mo, baka naman hindi talaga siya. O, baka naman nagugutom talaga siya, walang makain at nahihiyang magsabi sa ‘yo.
Bunso:
Pero, putang ina! Mali pa rin ‘yun!
Tatay:
Bakit ba napakalutong mo magmura? Kabata-bata mo pa, a. At, sino namang nagsabi sa ‘yong p’wede kang manakit ng kaklase mo, eh hindi ka pa nga siguradong siya ang kumuha ng baon mo? Hindi mo na lang isinumbong sa teacher mo?
Bunso:
Eh, putang ina, ginagaya ko lang si Meyor, anong masama ‘dun?  Si Meyor nga, pag nagkamali, patay agad, e.  Para hinampas ko lang ng silya.  Magaling ‘yang si Meyor.   ‘Di ba, idol natin siya? Binoto pa nga ninyo ni Nanay ang putang inang Meyor na ‘yan eh. Tingnan n’yo. Presidente na ang hayop na ‘yan. Idol ko rin ‘yan, e.

Kadalasan, mas madaling sagutin ang mga tanong ng mga kaedad natin. Pero kapag ang mga anak na nating musmos ang nagtanong, medyo mahirap na – lalo na kung sa atin din nila ibabalik ang mga sagot natin.
Iginagalang ko ang opinyon at pasya ng mga kaibigan nating nagsusulong ng #Duterte2016, pero bago ako tuluyang umanib sa inyo, iisipin ko munang mabuti kung ano ang isasagot ko sa bunso ko sakaling tanungin niya ako kung bakit “idol” ko si Meyor.