Tuesday, November 21, 2023

TANGAN KO’NG AGIMAT NG PUSONG BATUTE

Sukat ang agwat ng ligaya’t hilahil

sa pabalat-bunga ng bawat taludtod,

at kung sisipatin, halata marahil

na pinagtugma rin ang supling at ubod.

 

Nangagluluksuhan ang luha’t halakhak

sa himig ng bawat saknong ‘pag inawit.

Lagaslas ng batis sa gilid ng galak;

lagablab ng nasa sa bawat pag-ingit.

 

Iindak ang puso’t aawit ang isip.

Liliyad ang malay na ayaw maidlip.

Aahon ang bigo’t ayaw nang lumusong.

Lulusong ang haring sa rangya’y nakulong.

 

‘Pag ako’y tumula, kaiingat kayo-

gagalaw ang bato’t lalagpak ang ulap;

ang tugma’t ang sukat sa pusong binayo –

dagliang titibok, biglang mangangarap!

 

Ang kahambugan ko’t pagsalig sa tula

ay udyok marahil ng pagkadakila

ng bawat saknong na sinukat, tinugma-

pangal’bit sa diwa ang bawat kataga:

tilamsik ng tintang nag-alsa sa pluma

ni Batuteng noon, inibig suminta.

 

Sa panahon ngayong wala nang bentahe

ang tugma at sukat sa mga erehe,

paninindigan kong pagdating sa arte,

panulaan pa rin ang ating bal’warte.

Walang takot akong lulutang sa ere.

Tangan ko’ng agimat ng pusong Batute.

No comments:

Post a Comment