(Ang sarili kong pagmumuni sa “El Sueño de la Razon Produce Monstruos” ni Francisco Goya)
Ang mangarap nga ba ay
pagpapahimlay
sa kat’wirang dapat ay laging
magbantay
sa kisig at tapang nitong
katinuan
laban sa salakay ng
kapabayaan?
Ang paghimlay nga ba ng
santong kat’wiran
ay magiging tulay sa mga
halimaw
na mangaglilingkis sa buhay
na yaman
ng kadakilaang ayaw ring
pumanaw?
Nasaksihan na natin na kapag
winaldas
ang matinong tinig at ang
patalastas
nitong kasaysayang pinanday
sa tuwid,
tayo’y palusong sa laot ng
ligalig.
Kung mahimlay man ang kat’wiran
sa dilim
bumalikwas tayo, kahit
takipsilim.
Tanglawan ang santo’t
luhuran ang nitso
at baka tayo pa ang ipasok dito!
No comments:
Post a Comment