Wednesday, November 29, 2023

Tuesday, November 21, 2023

TANGAN KO’NG AGIMAT NG PUSONG BATUTE

Sukat ang agwat ng ligaya’t hilahil

sa pabalat-bunga ng bawat taludtod,

at kung sisipatin, halata marahil

na pinagtugma rin ang supling at ubod.

 

Nangagluluksuhan ang luha’t halakhak

sa himig ng bawat saknong ‘pag inawit.

Lagaslas ng batis sa gilid ng galak;

lagablab ng nasa sa bawat pag-ingit.

 

Iindak ang puso’t aawit ang isip.

Liliyad ang malay na ayaw maidlip.

Aahon ang bigo’t ayaw nang lumusong.

Lulusong ang haring sa rangya’y nakulong.

 

‘Pag ako’y tumula, kaiingat kayo-

gagalaw ang bato’t lalagpak ang ulap;

ang tugma’t ang sukat sa pusong binayo –

dagliang titibok, biglang mangangarap!

 

Ang kahambugan ko’t pagsalig sa tula

ay udyok marahil ng pagkadakila

ng bawat saknong na sinukat, tinugma-

pangal’bit sa diwa ang bawat kataga:

tilamsik ng tintang nag-alsa sa pluma

ni Batuteng noon, inibig suminta.

 

Sa panahon ngayong wala nang bentahe

ang tugma at sukat sa mga erehe,

paninindigan kong pagdating sa arte,

panulaan pa rin ang ating bal’warte.

Walang takot akong lulutang sa ere.

Tangan ko’ng agimat ng pusong Batute.

Sunday, November 19, 2023

SANTONG KAT’WIRAN

 

  


(Ang sarili kong pagmumuni sa “El SueƱo de la Razon Produce Monstruos” ni Francisco Goya)

 

Ang mangarap nga ba ay pagpapahimlay

sa kat’wirang dapat ay laging magbantay

sa kisig at tapang nitong katinuan

laban sa salakay ng kapabayaan?

 

Ang paghimlay nga ba ng santong kat’wiran

ay magiging tulay sa mga halimaw

na mangaglilingkis sa buhay na yaman

ng kadakilaang ayaw ring pumanaw?

 

Nasaksihan na natin na kapag winaldas

ang matinong tinig at ang patalastas

nitong kasaysayang pinanday sa tuwid,

tayo’y palusong sa laot ng ligalig.

 

Kung mahimlay man ang kat’wiran sa dilim

bumalikwas tayo, kahit takipsilim.

Tanglawan ang santo’t luhuran ang nitso

at baka tayo pa ang ipasok dito!

Tuesday, November 14, 2023

NILAMON 'NYO PA RIN ANG 'SINUKA NA NAMIN



Babala ko noon sa bawat dudulog
sa alok ng hapag na nais mabusog –
ang piging na hain ay suriin muna,
h’wag sanang lamunin ang aming sinuka.
 
Nalinlang na kami’t noon ay umasang
wala sa putahe ang nasang pagpaslang.
Nang malasap na ang tangkang madilim,
agad isinuka ang sinubo namin.
 
Nabingi, nabulag, namanhid, nagutom
ang sambayanang ang isip ay tumikom.
Kahit masangsang na, panis at maasim,
nilamon ‘nyo pa rin ang sinuka na namin!
 
Magsisi man kayo’t umaray ng husto
karamay pa kami magpahanggang dulo.
Sa hapag, nar’yan ang hain ng nagdaan.
Ma’nong amuyin muna bago lantakan!