Thursday, May 10, 2018

Alipato

Tinagpas palayo sa bakal kong ina.
Hinagis palangit ng apoy na ama.
Ang kislap sa dilim na dagling namasdan:
akong alipato na namamaalam.

Sa dagling paglipad at dagling pagsikat,
umasang tugatog ay kayang masukat.
Sa dagli rin namang paghalik sa lupa,
binalot ng dilim sa pamamayapa.

Nang marating kasi ang tayog ng lipad,
inasa sa hangin ang pamamayagpag.
Ang sinag ng apoy na mula kay ama,
inakalang likas na kambal kong t’wina.

Noon pa man sana ay nabatid ko na-
ang buhay kong hiram ay babawiin pa.
Ang kislap at tayog, sandaling agapay;
pagpanaw ko’y hindi mabitbit sa hukay.