Sunday, January 14, 2024

MGA KAMAY NG PAGSUKO

 MGA KAMAY NG PAGSUKO





Isinuko mo ang mga kamay mo

bilang bilanggo ng mga kamay ko.

 

Halos kaagad, nalaman ko

ang gaspang ng iyong pagpupunyagi,

ang tabas ng iyong hapis

at ang himaymay ng iyong kaluluwa.

 

Ang mga kamay ko’y dati nang bumihag ng ibang mga kamay

bilang bilanggo sa larong ito ng pag-ibig.

 

Masidhi kong ninais na ariin

ang ibang mga kamay –

kahit pa sariling kaluluwa ko

ang maging panubos.

 

Nang isuko mo ang mga kamay mo

bilang bilanggo ng mga kamay ko,

halos kaagad

naunawaan ko ang malaon ko nang pangangailangan.

 

Hindi ko pala kailangan ng kahit kaninong mga kamay

para ariin.

Tanging kailangan ko lamang na ang mga kamay ko

ay ariin ng mga kamay mo –

dahil sa likod ng mga galasgas ng pagpupunyagi

at ng mga sugat ng hapis,

ang kaluluwa mo ang nagdamit sa akin sa init

ng damdaming ibigin –

dito man sa walang panahon, walang lawak at walang anyong

mundo ng mga panaginip.

No comments:

Post a Comment