Tuesday, October 24, 2017

Sigarilyo

Ang sakim na nasang sa puno’y dumampi,
naglakbay sa dawag ng inip, lunggati.
At noong ang dulo’y payapang narating-
naabong panahon, sa bagang nagningning.

Ang bagot, nilunok, usok nang niluwa.
Lungkot ang kapiling, pangarap ay tuwa.
Ang lakad ng oras sa pusong nilisan-
bilangin sa upos na nagtatangisan.

Ang dagdag na upos sa abong talaksan,
dagdag sa panahong pinaglilipasan.
Ang putol sa habang ipinagmayabang,
bawas din sa buhay na ayaw ingatan.

Sa dilim na aking kinasasadlakan,
sigarilyong tangi ang pinanggalingan
ng maliwanag na apoy kong pananglaw;
ng init sa gabing sa puso’y bumahaw.


Batid kong sa bawat hayok kong paghithit,
minamadali kong hininga’y mapatid.
Ang demonyong sanib nitong sigarilyo-
anghel sa tingin kong ang diwa’y tuliro.

Sunday, October 15, 2017

Hatinggabi


Hatinggabi nang magsiping
ang liwanag at ang dilim.
Madaling araw umahon
ang supling nilang maghapon.
Kaluskos nang magsimula,
halinghing nang pumagitna.
Sa pagsapit ng umaga,
nalibing na rin ang nasa.
Umismid ang mutya ko
sa kulay gabing pagsamo.
Ngingiti at ngingiti rin
sa halik kong mapaglihim.
Pagsapit ng paghahati
ng hapdi at ng kilititi,
sisigaw ang luwalhati
ng pinapag-isang mithi.
Hatinggabi nang magsiping-
pagnanasa nating lihim.
Madaling araw bumangon
ang suyuang itatapon.