Friday, April 19, 2019

TULOS

Sa kaliwang tulos, doon ibibitin
ang buto at laman ng pagkaalipin.
Ang kagamahanan- isang kasalanang
isasampay na rin sa tulos sa kanan.

Ang tulos sa gitna, tulos na dakila-
panubos sa mundong sa dilim sinangla.
Tawirin ang sanga tungong kaligtasan.
Akyatin ang puno ng kal’walhatian.


Tatatlo ang tulos sa tuktok ng burol.
Iisa ang sadyang lulunas sa hatol.

Ang dugong dumaloy sa ugat ng Tupa-

panghugas sa mundong dumungis sa sala.

Monday, March 25, 2019

Doon Po Sa Amin, 2019


Doon nga po sa amin,
sa nayong makulimlim,
may butas ang kulambo,
ang gripo, walang tulo.

Doon din po sa amin,
kahit araw, madilim.
Ang lahat, uutangin.
Ang bayad? Dangal namin!

Doon nga rin sa amin,
kahit sa dagat namin,
singkit pati ayungin,
pero ang piso – duling!

Sa aming nayon doon,
humihinga pa’ng poon.
sumisinghap ng droga,
naghihikab ng mura.

Eleksyon na naman!


Tatao po sa tarangka,
mag-aabot pa ng barya,
mangangako ng ginhawa,
ang kapalit? Alam mo na!

Aakyat sa entablado,
magpapatawa’t sisirko.
Ginagawa ka nang bobo,
hihing'an ka pa ng boto?

Bago na nga ang balota
pero'ng isip mo, luma pa.
Sa gakulangot na barya,
ang bukas mo’y ibebenta?

Bago na nga ang makina
pero’ng aliw mo, luma pa?
Habang humahalakhak ka,
ginigisa ka na nila.

Kung mahal mo ang anak mo,
h’wag mong iboto ang gaGo.
Kung mahal mo ang bayan mo,
iwasan ang manloloko.