Sa gitna nang gulo’t mapanupil na ingay,
nalugmok ang isip kong para bang kinatay
nang kung ilang ulit nilang winawagayway
ang tapang at dunong ng mahal nilang Tatay!
Matapang daw si Tatay, ’lang takot pumatay
ng mga sugapa’t ng anak nilang akay.
Ang tapang ba ni Tatay, kaya ring pumutol
sa ugat ng hilahil sa bayang naulol?
Hindi kaya ang tapang ay pang-ibabaw lang
na kaya lang pumaslang ng dukha't ng mangmang?
‘Di kaya ang tapang na pinagsisigawan
ay ang tapang lumuhod sa mga mayaman?
Marunong daw si Tatay, tuso’t madiskarte-
habang nagmumura’y kaya pa ring maghele;
kaya tayong dating gising at mapanuri,
ngayon ay nauto, nakatangong palagi.
Tuso ba si Tatay at ayos dumiskarte
habang ang bayan ay nagkakalecheleche?
Inuutakan daw ang kalaban ng lahi,
bakit ang dagat ko’y gustong ipamahagi?
Ngayong araw na itong
araw ng gunita,
ang sigaw dapat natin, hindi lang paglaya.
Sikapin ding bawiin ang nawalang puri,
ang tinong naglaho’t pag-ibig sa sarili!