Thursday, May 10, 2018

Alipato

Tinagpas palayo sa bakal kong ina.
Hinagis palangit ng apoy na ama.
Ang kislap sa dilim na dagling namasdan:
akong alipato na namamaalam.

Sa dagling paglipad at dagling pagsikat,
umasang tugatog ay kayang masukat.
Sa dagli rin namang paghalik sa lupa,
binalot ng dilim sa pamamayapa.

Nang marating kasi ang tayog ng lipad,
inasa sa hangin ang pamamayagpag.
Ang sinag ng apoy na mula kay ama,
inakalang likas na kambal kong t’wina.

Noon pa man sana ay nabatid ko na-
ang buhay kong hiram ay babawiin pa.
Ang kislap at tayog, sandaling agapay;
pagpanaw ko’y hindi mabitbit sa hukay.

Tuesday, April 24, 2018

Alak

Ang alak ay mula sa tamis ng hangad
na ipuning lahat ang yaman ng ubas,
ikubli sa lupit ng palalong sinag,
ihanda sa uhaw at hayok na bukas.

Ang tamis ng katas kapag binukasan
papanisin pala ng gabing malihim.
Anumang ginhawang laging inasahan-
paglagok ko ngayon, mapakla’t maasim.

Kung sakali palang imbakin ang tamis,
paglaon ng araw, sadyang mapapanis.
Ang katas ng ubas, luhang itatangis-
nilasing ang pusong nalunod sa hapis.

Ang pag-ibig naman, tulad rin ng katas:
ang tamis ng ngayon, s’yang pait ng bukas.
Sa hapag ng puso, ngayon na lasapin-
Ipagpabukas mo’t ligaya ma’y lasing.

Sunday, February 25, 2018

Saloobin sa Paggunita ng #EDSA32


Sa gitna nang gulo’t mapanupil na ingay,
nalugmok ang isip kong para bang kinatay
nang kung ilang ulit nilang winawagayway
ang tapang at dunong ng mahal nilang Tatay!

Matapang daw si Tatay, ’lang takot pumatay
ng mga sugapa’t  ng  anak nilang akay.
Ang tapang ba ni Tatay, kaya ring pumutol
sa ugat ng hilahil sa bayang naulol?
Hindi kaya ang tapang ay pang-ibabaw lang
na kaya lang pumaslang ng dukha't ng mangmang?
‘Di kaya ang tapang na pinagsisigawan
ay ang tapang lumuhod sa mga mayaman?

Marunong daw si Tatay, tuso’t madiskarte-
habang nagmumura’y kaya pa ring maghele;
kaya tayong dating gising at mapanuri,
ngayon ay nauto, nakatangong palagi.
Tuso ba si Tatay at ayos dumiskarte
habang ang bayan ay nagkakalecheleche?
Inuutakan daw ang kalaban ng lahi,
bakit ang dagat ko’y gustong ipamahagi?

Ngayong  araw na itong araw ng gunita,
ang sigaw dapat natin,  hindi lang paglaya.
Sikapin ding bawiin ang nawalang  puri,
ang tinong naglaho’t pag-ibig sa sarili!

Saturday, February 3, 2018

Ano Na?

Guniguni lamang sa kasalukuyan
ang paniniwalang may maasahan
sa pamamahalang ang tanging layunin
ay magpakasasa sa bayang alipin.

Ang pagkakamali, sakaling mabunyag,
ay ma’nong isisi sa bayang binulag.
Kung sakali namang s’werte’t lumusot,
siguradong bukas, may’rong bagong gusot.

Ganyan na marahil ang inog ng mundo
kung sa ingay na ‘to’y tatahimik tayo.
Abong sumambulat, dugong dumadanak
‘yan ba ang iiwan sa ‘ting mga anak?